• PANAHON
    Manila, 33°C
    Partly cloudy
    • Baguio, 23°C
      Partly cloudy
    • Metro Cebu, 31°C
      Partly cloudy
  • Corona, muling binanatan ni PNoy sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

    By dzmm.com.ph | 09:48 PM 06/12/2012

  • "Naniniwala si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na malaki ang naitulong ng pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona para mapagtibay ang kalayaan ng Pilipinas."

    Naniniwala si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na malaki ang naitulong ng pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona para mapagtibay ang kalayaan ng Pilipinas.

    Sa kanyang talumpati sa ika-114 selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, binigyang diin ng Pangulo na ang paglilitis ni Corona ang nagpaigting ng diwa ng demokrasya ng bansa at nagbigay ng aral sa lahat ng naglilingkod sa gobyerno.

    "Pinatingkad nito ang diwa ng ating demokrasya. Karapatan ng mga Pilipinong malaman ang katotohanan at maramdamang buhay ang demokratikong sistema sa bansa."

    "Muli rin nitong idiniin sa ating mga lingkod-bayan na ang kapangyarihan na ipinahiram sa kanila ni Juan dela Cruz ay may kaakibat na reponsibilidad at pananagutan."

    Ngayon anyang patuloy na ang pagtahak ng administrasyon sa matuwid na landas, hindi na niya hahayaang maligaw pa muli ang pamamahala at maabuso ang kapangyarihan ng mamamayan.

    "Ngayong nakabuwelo na ang ating bayan sa tuwid na landas, hindi na natin hahayaan pang maligaw tayo sa dilim ng nakaraan."

    Tiniyak din ng Pangulo na sa kapangyarihan ng Konstitusyon, hindi na muling madudungisan ng sinumang mapaglamang sa kapwa ang pagsisikap ng administrayong maserbisyuhan nang maayos ang mga Pilipino saan mang panig ng bansa at ng mundo.

    Kinilala din ni PNoy sa kanyang talumpati ang mga kababayang nagsakripisyo noong panahon ng digmaan para maipanalo ang kalayaan ng bansa.

    "Tunay na demokrasya para sa lahat ng Pilipino, ito ang kaluluwa ng ating Konstitusyon. Ito ang dugong dumadaloy sa puso ng ating malayang estado."

    Sa huli, nanawagan naman si PNoy na tulungan ang pamahalaan para mapagkaisa ang lahat patungo sa matuwid na landas.

    "Buwagin na natin ang bartolina ng kadamutan at pagkakanya-kanya."

    Samantala, pinangunahan din ng Pangulo ang pagtataas ng bandila ng bansa at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Bulacan para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na may temang Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan.

    Vin d'honneur

    Mula sa Malolos, dumiretso si PNoy sa Malakanyang para pangunahan ang tradisyunal na vin d'honneur o wine of honor kung saan niya tinanggap ang mga miyembro ng diplomatic corps at ng kaniyang gabinete.

    Kasama rin sa mga dumalo ang Apostolic Nuncio ng Vatican sa bansa na si Archbishop Giuseppe Pinto.

    Sa talumpati ng Pangulo, nagpahayag ito ng pag-asa sa hinaharap ng bansa katuwang ang diplomatic community.

    Hinimok niya ang diplomatic corps na makipagtulungan sa pamahalaan kasabay ng panawagan sa mga empleyado ng gobyerno na magkaroon ng accountability at transparency. 

    Selebrasyon sa buong bansa

    Sabayang ipinagdiwang sa iba't ibang lugar ang ika-114 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

    Sa Luneta Grandstand sa Maynila, pinangunahan ni Vice President Jejomar Binay at Manila Mayor Alfredo Lim ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Jose Rizal na sinundan ng 21-gun salute.

    Sa Kawit, Cavite kung saan unang iwinagayway ang watawat ng bansa noong Hunyo 12, 1898, dumalo si Transportation and Communications Secretary Mar Roxas kasama ang mga opisyal ng AFP.

    Sa Monumento naman, pinangunahan nina Justice Secretary Leila De Lima at Caloocan City Mayor Enrico Echiverri ang pagtataas ng bandila ng bansa at iba pang ginamit na watawat ng Katipunan.

    May selebrasyon din sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan na pinangunahan ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III.

    Sa Angeles City, Pampanga, dumalo si Tourism Secretary Ramon Jimenez kung saan bahagi ng pagdiriwang ang isang organisadong military civic parade at pag-aalay ng wreath sa makasaysayang Old Pamintuan Mansion.

    Pangkahalatan namang naging maayos ang seguridad sa mga pinagdausan ng pagdiriwang bagama't nagdulot ito ng bahagyang pagbibigat ng trapiko sa mga naturang lugar. Reports from Junry Hidalgo, Radyo Patrol 31; Noel Alamar, Radyo Patrol 38; Alex Calda, Radyo Patrol 43; Dennis Datu, Radyo Patrol 42; Johnson Manabat, Radyo Patrol and Jay Pelayo, DZMM Correspondent





  • Most Recent
  • Most Discussed
TOP NEWS
  • NATIONAL 6 sa 10 Pinoy, tutol sa term extension ni Aquino - Pulse Asia October 02, 2014 17:41:46 »
  • METRO Pansamantalang pagkukumpuni sa riles, di delikado - MRT official October 02, 2014 16:21:54 »
  • ENTERTAINMENT Anong dapat gawin 'pag nabasa ang iyong cellphone? October 02, 2014 17:30:45 »
  • SPORTS FEU coach: Hindi lang Ateneo at La Salle ang kayang magdala ng crowd October 02, 2014 17:29:14 »
  • PAPAL VISIT Pinoy peacekeepers sa Golan Heights, nasasabik para sa Papal visit October 01, 2014 13:45:53 »
  • REGION Magkapatid na paslit, patay sa sunog sa Cebu October 02, 2014 13:29:16 »
  • WORLD Hong Kong online protests, umiigting October 01, 2014 13:27:00 »