• PANAHON
    Manila, 31°C
    Partly rainy
    • Baguio, 22°C
      Partly cloudy
    • Metro Cebu, 31°C
      Partly cloudy
  • Kasambahay, 4 na taong kinulong at minaltrato ng amo sa QC

    By Erik Tenedero, dzmm.com.ph | 07:54 PM 08/11/2012
  • image
    "Isang kasambahay ang umano'y apat na taong kinulong at minaltrato ng kaniyang mag-asawang amo sa kanilang tahanan sa Visayas Avenue, Quezon City. "

    Isang kasambahay ang umano'y apat na taong kinulong at minaltrato ng kaniyang mag-asawang amo sa kanilang tahanan sa Visayas Avenue, Quezon City.

    Lumapit ang biktimang si Bonita Baran, 21 anyos, kasama ang kaniyang ina sa programa ng DZMM TeleRadyo na Aksyon Ngayon nina Julius Babao at Kaye Dacer, para manawagan at ilahad ang kinayang sinapit sa kamay ng aniya'y malulupit na amo.

    Sa salaysay ni Bonita, inilahad nito kung paanong apat na taon siyang binugbog, sinaksak, pinakain ng ipis at mga panis na pagkain habang ikinukulong sa bahay ng kaniyang mga pinagsisilbihan.

    "Pinapalo po ako, hinahampas po ako sa ulo ng walis tambo, tapos dito po sa dalawang braso ko, tapos dito po sa paa. Halos nagkaputol-putol po (yung walis tambo) tapos namamaga po siya," ayon kay Bonita.

    "Dito naman po sa ulo ko, hinampas niya ako ng figurine na matigas tapos po natanggalan po ako ng buhok, tapos nagdugo. 'Yung ipis 'pag nakakita siya ng ipis sabi niya sa 'kin kainin ko yung ipis. Kapag hindi ko kinain yung ipis, hinahampas niya ako."

    Ayon kay Bonita, taong 2007 nang pumasok siya para manilbihan sa mag-asawang Analiza at Reynold Marzan at aniya, isang taon na hindi siya sinasaktan ng among babae.

    Matapos ang isang taong paninilbihan, doon na aniya nagsimulang maging bayolente ang among babae na pinababayaan lang ng asawa nitong nakakasaksi.

    Bunsod ng walang habas na pananakit, bulag na ngayon ang kanang mata ni Bonita at nanganganib na tuluyan na ring mabulag ang kaliwa.

    Patong-patong na kaso

    Hawak na ngayon ng Public Attorney's Office (PAO) ang kaso ni Bonita at ayon kay Atty. Persida Acosta, nahaharap sa patong-patong na kasong attempted murder, serious illegal detention at multiple serious injury ang amo nitong babae.

    "Kinulong siya ng apat na taon. Iyon ay serious illegal detention. Ito ay isang heinous crime. Katumbas nito kidnapping ayon sa Article 267 ng Revised Penal Code at ito ay nangangahulugan ng habambuhay na pagkakabilanggo. Kung may bitay ngayon, bitay iyan," paliwanag ni Atty. Acosta.

    "May kaso din silang attempted murder dalawang counts, multiple serious injury. Patong-patong na kaso."

    Sa eksaminasyon ni Dr. Erwin Erfe ng PAO Medico Legal Section, nagtamo si Bonita ng sangkatutak na sugat at peklat mula ulo hanggang paa at seryoso ang mga ito.

    "Karamihan ay mga burn injury sa mukha, magkabilang braso at sa likod. Marami ring peklat na nag-iindicate na ginamitan ito ng matatalas na instrumento kaya napakaraming peklat niya sa likod. Pati sa paa meron siyang sugat. 'Yung mata niya ay completely blind sa kanan at sa kaliwa naman ay 10% na lang ang natitirang vision."

    Paliwanag ni Bonita, nangyari ito matapos siyang sunod-sunod na suntukin sa mata at plantsahin ang kaniyang buong mukha ng among babae dahilan para masunog din ang kaniyang balat.

    "Sinusuntok niya po itong dalawang mata ko. Tapos ilang araw naman parang namamaga siya, binuhusan niya ko ng isang tabong tubig. Tapos ilang araw naman po, susuntukin niya ulit 'yung mata ko," ang emosyonal na paglalahad ni Bonita.

    "Sa may mukha naman po pinlantsa po siya ng dalawang beses tapos pinlantsa niya po dito sa may ulo. Tapos dalawang braso, tapos sa may likod po. Hindi po ako pinapagamot."

    Nag-ugat naman ang kasong murder sa sumbong ni Bonita na sinaksak din siya ng gunting ng kaniyang among babae.

    Bagama't humihingi aniya ito ng paumanhin kapag nakitang nasugatan na siya at nagdudugo ito, hindi pa rin nagtapos ang umano'y pananakit ng babaeng amo.

    Minsan pa aniya ay tinanong siya nito kung bakit ang tagal niyang mamatay.

    "Ang sabi niya po sa kin bakit ang tagal-tagal ko daw pong mamatay. Tapos ang tanong ng lalaki sa babae, 'bakit gusto mo ba siyang patayin?' 'Patayin mo na. Saan mo ba itatapon?'"

    Dahil dito, sinabi ni Atty. Acosta na dawit din ang amo nitong lalaki sa ilang kaso.

    Katarungan

    Sa loob ng apat na taon, walang nahingan ng tulong si Bonita.

    "Wala po akong malapitan. Kapag may pumupuntang tao sa bahay, pinapatago muna ko sa CR, umaakyat ako ng kwarto. Nila-lock po nila ako doon."

    Bagama't nagagawa nitong ipadala ang sweldong P700.00 na kalauna'y nadagdagan at naging P800.00, wala aniyang kaalam-alam ang kaniyang ina sa kaniyang dinanas.

    Sa ngayon, katarungan ang hinihiling ni Bonita sa sinapit niyang pangmamaltrato.

    "Mapakulong po siya tapos lahat ng ginawa niya sa akin pagbayaran niya, pagdusahan niya. Grabe 'yung ginawa niya sa 'kin."

    Ayon kay Atty. Acosta, inaasikaso na nila ngayon na makapagpalabas ng hold departure order (HDO) ang korte laban sa mag-asawa.

    Bukas naman ang DZMM sa mag-asawang Marzan para sa kanilang panig ng istorya.

    "Analiza at Reynold, kung nakikinig kayo, pumunta kayo dito. Usap tayo rito," ayon kay DZMM anchor Julius Babao.

    Sa mga nagnanais magpaabot ng tulong kay Bonita, maaaring tumawag sa hotline ng PAO: 929-9436 o kaya'y makipag-ugnayan sa DZMM Radyo Patrol 630, DZMM TeleRadyo o sa dzmm.com.ph (photo courtesy of abscbnNews.com)





  • Most Recent
  • Most Discussed
TOP NEWS
  • NATIONAL 115 Pinoy peacekeepers sa Liberia, nilimitahan ang galaw dahil sa Ebola virus August 01, 2014 19:39:14 »
  • METRO 2 patay, higit 20 sugatan sa pagsalpok ng jeep sa pader ng gasolinahan sa Antipolo August 01, 2014 11:57:13 »
  • ENTERTAINMENT Paolo Bediones, nagreklamo sa PNP kaugnay ng kumakalat na sex video August 01, 2014 17:11:47 »
  • SPORTS Pacquiao, planong magretiro sa 2016; posibleng tumakbong senador July 31, 2014 21:27:52 »
  • REGION 1 patay, 1 sugatan sa engkwentro ng NPA at militar sa Negros Occ August 01, 2014 10:26:39 »
  • WORLD 22 patay, higit 200 sugatan sa gas explosions sa Taiwan August 01, 2014 11:40:53 »
  • GOOD NEWS Iriga City Singing Ambassadors, humakot ng medalya sa World Choir Games August 01, 2014 12:40:05 »