• Weather
    Manila, 34°C
    Partly cloudy
  • De Lima: TRO para makalabas si CGMA ng bansa, minaniobra ni Corona

    By Erik Tenedero, dzmm.com.ph | 20:13 PM 02/22/2012

  • "Iginiit ni Justice Secretary Leila de Lima, sa kaniyang pagsalang bilang testigo sa impeachment court, na may kinalaman si Chief Justice Renato Corona sa pagpapalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para makalabas ng bansa si dating pangulong Gloria Arroyo. "

    Iginiit ni Justice Secretary Leila de Lima, sa kaniyang pagsalang bilang testigo sa impeachment court, na may kinalaman si Chief Justice Renato Corona sa pagpapalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para makalabas ng bansa si dating pangulong Gloria Arroyo.

    Binigyang diin ni De Lima sa kaniyang testimonya ang mga nakalahad na umano'y iregularidad na binanggit ni Associate Justice Maria Lourdes Sereno sa kaniyang dissenting opinion.

    Ito ay kaugnay ng desisyon ng mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema, kabilang ang chief justice, noong Nobyembre 15, 2009 na pumabor sa paglalabas ng TRO laban sa watchlist order (WLO) ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga Arroyo.

    Pero lumalabas sa dissenting opinion ni Sereno na taliwas ang laman ng resolusyon ng korte sa tunay na nangyari sa botohan ng mga mahistrado.

    Batay sa naturang dissenting opinion na binasa ni De Lima, sa botong 7-6 ay idineklara ng mayorya ng mga mahistrado noong Nobyembre 18, 2011 na hindi nakasunod ang kampo ng mga Arroyo sa mga kondisyon na inilahad alinsunod sa pagpapalabas ng TRO.

    Kabilang sa mga kondisyon ang pagbabayad ng P2 milyong cash bond, pagtatalaga ng legal representative at ang pakikipag-ugnayan sa konsulado o embahada ng Pilipinas sa bansang pupuntahan.

    Ngunit sa press conference na isinagawa ni SC Spokesperson Midas Marquez, sinabi nitong nananatiling may bisa ang TRO.

    Bunsod naman ng pahayag noon ni Sereno na mali ang pagkaintindi ni Marquez sa desisyon ng korte, muling nagpatawag ng press conference ang tagapagsalita ng SC para ihayag ang naganap na diskurso na nagresulta sa botong 7-6.

    Inilahad din ni Sereno na nagpadala si Corona ng kaniyang bersyon ng resolusyon sa pag-iisyu ng TRO na isinama naman ni Associate Justice Presbiterio Velasco sa resolusyon kung saan siya ang ponente.

    Base pa sa naturang dissenting opinion, hinarang din ni Corona ang pagpapalabas ng kaniyang dissenting opinion sa pagpapalabas ng TRO.

    Sumulat din si Associate Justice Antonio Carpio kay Corona para sabihing suspindido na ang TRO dahil hindi naman nasunod ng kampo ng mga Arroyo ang mga kondisyon na nakakabit dito.

    Upang linawin ang kaguluhan, hiniling ni Carpio na magkaroon muli ng pulong sa pagitan ng mahistrado para linawin ang ruling na ipinalabas noong Nobyembre 18, 2011.

    Sa ruling kasi na lumabas noong Nobyembre 18, 2011, hindi inilahad na hindi nasunod ng kampo ng dating pangulo ang mga kakabit na kondisyon.

    Ngunit sa bersyon ni Corona ng resolusyon noong Nobyembre 22, 2011, nakalahad na may sapat na pagsunod ang kampo ng dating pangulo sa mga inilahad na kondisyon at patuloy pa ring umiiral ang TRO.

    Dahil dito, hiniling ni Carpio na ipagpaliban muna ang pagpapalabas ng resolusyon dahil may nakatakda nang en banc meeting sa Nobymebre 29, 2011.

    Dito, sa botong 7-6 ay nanalo ang mayorya ng mga mahistrado na nagsasabing dapat manatili at may bisa ang TRO sa WLO ng dating pangulo, na ayon kay Sereno ay taliwas sa inilahad ni Marquez sa panibagong press conference na 9-4.

    Ipinaliwanag naman ni De Lima ang dahilan kung bakit hindi niya hinayaang makalabas ng bansa ang dating pangulo.

    Una, sinabi ni De Lima na tatlong beses siyang nagpalabas ng WLO dahil may mga mabibigat na kasong nakasampa laban kay Ginang Arroyo sa DOJ.

    Duda rin aniya siya sa totoong dahilan ng pagtatangka nito na makalabas ng bansa dahil bukod sa pabagu-bago ang itinerary na nakalahad sa hiling nitong allow departure order (ADO), pabagu-bago rin ang bilang ng mga bansa at mga taong makakasama nito.

    Pangalawa, sinabi ni De Lima na hindi pa rin niya pinayagan na makalabas ng bansa ang mga Arroyo sa kabila ng TRO sa WLO na ipinalabas ng Korte Suprema noong Nobyembre 15, 2011 dahil hindi pa niya natatanggap noon ang kopya ng TRO.

    Sa cross examination naman ni defense lead counsel Justice Serafin Cuevas, kinuwestyon kung bakit si Corona lamang ang idinadawit sa umano'y pagkiling ng Korte Suprema kay Ginang Arroyo gayung collegial naman ang mga naging desisyon.

    Binigyang punto rin ng depensa na hearsay lamang o hindi naman direktang kaalaman ni De Lima ang mga inilahad nito sa kaniyang testimonya dahil galing ito sa dissenting opinion ni Sereno.



Leave A Comment




 



  • Most Recent
  • Most Discussed
TOP NEWS
  • NATIONAL Ex-Palawan Gov. Reyes at kapatid, inilagay na sa Interpol wanted list May 16, 2012 23:41:16 »
  • IMPEACHMENT Day 39: Chief Justice Renato Corona, tetestigo na sa Martes, Mayo 22 May 16, 2012 23:41:48 »
  • METRO 1 patay, 1 sugatan sa hostage taking sa Sampaloc, Maynila May 16, 2012 20:55:19 »
  • REGION Pulis na dinukot sa Zamboanga, pinakawalan na ng NPA May 16, 2012 20:08:49 »
  • WORLD Eroplanong sinasakyan ng French President, tinamaan ng kidlat May 16, 2012 12:14:32 »
  • ENTERTAINMENT Claudine at Raymart, may pabuya sa makapagbibigay ng buong kopya ng video ng gulo sa NAIA May 16, 2012 21:27:06 »
  • SPORTS Pacquiao, itinangging muntik na siyang idiborsyo ni Jinkee May 15, 2012 19:00:31 »