• Weather
    Manila, 34°C
    Partly cloudy
  • Day 22: TRO para makalabas ng bansa si CGMA, minaniobra ni Corona -De Lima

    By Erik Tenedero, dzmm.com.ph | 22:06 PM 02/22/2012

  • "Idiniin ni Justice Secretary Leila de Lima si Chief Justice Renato Corona bilang pangunahing may kinalaman sa pagmamaniobra ng temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema para makalabas ng bansa si dating pangulong Gloria Arroyo. "

    Idiniin ni Justice Secretary Leila de Lima si Chief Justice Renato Corona bilang pangunahing may kinalaman sa pagmamaniobra ng temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema para makalabas ng bansa si dating pangulong Gloria Arroyo.

    Sa ika-dalawampu't dalawang araw ng impeachment trial, sinimulan nang talakayin ng prosekusyon ang Article 7 ng impeachment complaint kung saan inaakusahan ang punong mahistrado ng pagtataksil sa tiwala ng taumbayan matapos ang pagkiling nito kay Ginang Arroyo, sa pamamagitan ng pagpapalabas ng TRO sa watchlist order (WLO) na inilabas ng Department of Justice (DOJ).

    Ginamit ni De Lima sa kaniyang testimonya ang mga nakalahad sa dissenting opinion ni Associate Justice Maria Lourdes Sereno.

    Ito ay kaugnay ng desisyon ng mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema, sa botong 8-5 kabilang ang chief justice, noong Nobyembre 15, 2011 na pumabor sa paglalabas ng TRO laban sa watchlist order (WLO) ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga Arroyo.

    Lumalabas sa naturang dissenting opinion na kinuwestyon ni Sereno ang validity ng TRO matapos na hindi masunod ng kampo ni Ginang Arroyo ang mga kondisyon na ibinigay ng Korte Suprema.

    Alinsunod sa mga kondisyon na kaakibat ng TRO ay ang pagbabayad ng P2 milyong cash bond, pagtatalaga ng legal representative at ang pakikipag-ugnayan sa konsulado o embahada ng Pilipinas sa bansang pupuntahan.

    Dahil dito, nagsagawa ng sesyon ang mga mahistrado noong Nobyembre 18, 2011 at sa botong 7-6, sinabi ng mayorya na hindi nasunod ni Ginang Arroyo ang lahat ng mga inilatag na kondisyon.

    Ngunit sa press conference na isinagawa ni SC Spokesperson Midas Marquez, sinabi nitong nananatiling may bisa ang TRO alinsunod na rin sa botong 8-5.

    Ikinagalit ito ni Serreno dahilan para magpatawag muli si Marquez ng press conference para ihayag ang ruling ng SC sa botong 7-6 na hindi nasunod ng dating pangulo ang mga inilahad na kondisyon.

    Dahil dito, ipinanukala ni Associate Justice Antonio Carpio na linawin ng Korte Suprema ang desisyon noong Nobyembre 18, 2011.

    Ngunit ayon pa rin sa dissenting opinion ni Sereno, sinabihan ng clerk of court si Carpio na nagpadala si Corona ng sulat kamay na bersyon ng resolusyon kasabay ang utos ng agarang pagpapalabas nito.

    Sa bersyon ng resolusyon ni Corona, nakasaad na nakasunod ang dating pangulo sa mga kondisyon kasabay ng pagpapatibay sa bisa ng TRO.

    Bunsod nito, pormal na lumiham si Carpio kay Corona para hilingin na pansamantalang ipagpaliban ang pagpapalabas ng bersyon nito ng resolusyon para mapag-usapan muna.

    Sa panibagong en banc session, sa botong 7-6, naglabas ang Korte Suprema ng resolusyon na nagsasabing nananatiling may bisa ang TRO sa kabila ng hindi pagsunod ni Ginang Arroyo sa mga kondisyon at maaari nang makalabas ng bansa ang mga Arroyo.

    Matapos ito, isinumite ni Sereno ang kaniyang dissenting opinion ngunit hinarang ito ni Corona at iniutos na huwag mailathala.

    Ipinaliwanag naman ni De Lima ang dahilan kung bakit hindi niya hinayaang makalabas ng bansa ang dating pangulo.

    Una, sinabi ni De Lima na tatlong beses siyang nagpalabas ng WLO dahil may mga mabibigat na kasong nakasampa laban kay Ginang Arroyo sa DOJ.

    Duda rin aniya siya sa totoong dahilan ng pagtatangka nito na makalabas ng bansa dahil bukod sa pabagu-bago ang itinerary na nakalahad sa hiling nitong allow departure order (ADO), pabagu-bago rin ang bilang ng mga bansa at mga taong makakasama nito.

    Pangalawa, sinabi ni De Lima na hindi pa rin niya pinayagan na makalabas ng bansa ang mga Arroyo sa kabila ng TRO sa WLO na ipinalabas ng Korte Suprema noong Nobyembre 15, 2011 dahil hindi pa niya natatanggap noon ang kopya ng TRO.

    Sa cross examination naman ni defense lead counsel Justice Serafin Cuevas, kinuwestyon kung bakit si Corona lamang ang idinadawit sa umano'y pagkiling ng Korte Suprema kay Ginang Arroyo gayung collegial naman ang mga naging desisyon.

    Binigyang punto rin ng depensa na hearsay lamang o hindi naman direktang kaalaman ni De Lima ang mga inilahad nito sa kaniyang testimonya dahil galing ito sa dissenting opinion ni Sereno.

    Itinanong din ni Presiding Officer Juan Ponce-Enrile kung mayroon bang inilabas na resolusyon ang Korte Suprema kung saan si Corona lamang ang solong nag-isyu.

    Inamin naman ni De Lima na walang ganitong uri ng resolusyon bagama't iginiit pa rin ang mga puntong inilahad ni Sereno sa kaniyang dissenting opinion.

    Sa umpisa ng paglilitis, inihayag ng prosekusyon na tapos na sila sa pagtalakay sa Article 3 ng impeachment complaint.

    Ito ay matapos na hindi payagan kahapon ni ni Enrile ang pagpiprisinta kay Philippine Airlines (PAL) Vice President for Sales Enrique Javier dahil wala raw direktang kaugnayan ang magiging testimonya nito sa Article 3.

    Nagpahayag si Senator-judge Miriam Defensor-Santiago ng pagsuporta sa desisyong ito at ipinaalala ang isinasaad ng Bill of Rights patungkol sa right to due process at equal protection clause.

    Ayon pa sa prosekusyon, hindi na rin nila isasama ang mga kasong tumatalakay sa labis umanong ugnayan ng chief justice kay dating pangulong Gloria Arroyo na nagresulta sa pagkakatalaga kay Ginang Cristina Corona sa John Hay Management Corporation (JHMC).

    Hindi na rin magpiprisinta ang prosekusyon ng mga testigo at ebidensya sa kaso patungkol sa umano'y paggamit ni Corona ng public funds sa mga bagay na personal at pakikipag-usap nito sa mga litigants na may nakabinbing kaso sa Korte Suprema.

    Nangangahulugang ang kaso na lamang hinggil sa umano'y pagbaligtad sa unang desisyon sa kaso ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) laban sa PAL ang mananatili at si FASAP President Roberto Anduiza na ang huling testigo para sa Article 3.

    Pareho namang pinayuhan nina Enrile at Santiago ang prosekusyon na kung gusto talaga nilang ipilit ang testimonya ni Javier ay ibalik na lang muna nila sa Kamara ang Articles of Impeachment para amyendahan.

    Na-adjourn ang sesyon 6:00 ng gabi matapos ang halos apat na oras na paglilitis at magpapatuloy bukas, Huwebes, Pebrero 23, alas 2:00 ng hapon para sa pagpapatuloy ng cross examination ng depensa kay De Lima.



Leave A Comment




 

helmut cruz  February 23, 2012 13:48:24

kaya chief nga sya kung ano say nya bow lang ang mga indian nya me indian bang tumutol sa kanyang chief ha, ha ha, ha,.......

 
jon alanano  February 23, 2012 07:25:13

De Lima's statements are hearsay evidence as she was not personally involved nor present when those statements were made. Those that she quoted were included in the dissenting opinion of associate justices were overruled by the SC "sitting en-banc" - she is merely appealing the decision of the SC in the impeachment court which in the words of Atty Cuevas, "it is immaterial, irrelevant and has no probative value". Senate President JPE made several referrals and even asked her directly if CJ Corona had a "personal" hand. De Lima admitted - "NO", and used the dissenting opinion as basis. The SC have issued hundreds of thousands of said opinions which are based on "interpretation of the law". Sadly, I am dismayed of the "professional ethics" of the "Honorable" Justice Secretary. She knows her law, and she knows what she was bordering with during her testimony.

 


  • Most Recent
  • Most Discussed
TOP NEWS
  • NATIONAL Ex-Palawan Gov. Reyes at kapatid, inilagay na sa Interpol wanted list May 16, 2012 23:41:16 »
  • IMPEACHMENT Day 39: Chief Justice Renato Corona, tetestigo na sa Martes, Mayo 22 May 16, 2012 23:41:48 »
  • METRO 1 patay, 1 sugatan sa hostage taking sa Sampaloc, Maynila May 16, 2012 20:55:19 »
  • REGION Pulis na dinukot sa Zamboanga, pinakawalan na ng NPA May 16, 2012 20:08:49 »
  • WORLD Eroplanong sinasakyan ng French President, tinamaan ng kidlat May 16, 2012 12:14:32 »
  • ENTERTAINMENT Claudine at Raymart, may pabuya sa makapagbibigay ng buong kopya ng video ng gulo sa NAIA May 16, 2012 21:27:06 »
  • SPORTS Pacquiao, itinangging muntik na siyang idiborsyo ni Jinkee May 15, 2012 19:00:31 »